Thursday, December 31, 2009

Kudos to PYM!=)

St. Peter Parish - Parish Youth Ministry. Para tayong tumatakbo noh? Para tayong sumali ng marathon at tumatakbo. Ang pagkakaiba nga lang, tayo ay hindi nag-unahan, bagkus, sabay sabay na tumatakbo. May ilan ilan na sa ating pagtakbo ay napagod at tumigil na. Ang iba naman ay tumigil upang uminom ng tubig, ngunit tumakbo ulet. Ang iba naman walang pagod na sa kabila ng tagaktak ng pawis, eh patuloy ang pagtakbo.

Para din tayong sumakay ng roller coaster. Sa una, tinatanaw pa lang ang amusement park. Pinapanood bawat isa na nakasakay na. Dahil nakitang masaya, bumili ng ticket at pumila. Kahit gaano kahaba ang pila tiniis para sa pagkakataong makasakay. Matiyagang inantay ang pagkakataon at nang makababa na ang iba, sumigaw ng 'yes, ako naman.' Habang isa isang sumasakay ang iba, hindi mo alam ang iyong mararamdaman. Naeexcite, natatakot, natutuwa. Naghahanda na ng isisigaw. Pagkasakay ay iba't ibang emosyon ang naramdaman. Wala naman nagsabi ng 'ready, set, go!' Sadyang ginulat ka sa bawat pagandar nito. Walang senyas o kahit ano. Sadyang gugulatin ka. So eto ka, nagulat, sumigaw, natuwa, naging proud. Sa wakas, nakasakay ka na ng roller coaster. Tumaas, bumaba, naiyak, nasuka. Ayon, isang roller coaster na masaya naman.

Bagay talaga ang 'kalakbay' na salita para sa bawat isa. Dati nagtataka ako bakit kalakbay ang tawag. Naisip ko pa nga na napaka-corny naman. Pero hindi e. Yuon pala ang swak na salita upang gamitin para i-describe ang bawat isa. Sabi nga ni Pia Montalban, walang nahuhuli at nauuna. Sabay sabay lang tayo. Sinabi pa niya na kahit mas matanda ang isa kaysa isa, pareho tayong natututo sa bawat isa. Dagdag pa rito ay ang mentalidad na ang pagpapalit ng namumuno ay hindi dahil walang saysay ang nasa posisyon bagkus dahil namunga na. Napagandang pagmulatan ng lakas ng loob. Ang karunungan sa likod ng mga salita na ang tunay na pamumuno ay nasa likod ng paglilingkod at pagpapakumbaba.

Isang Pagkakataon para bigyan ng paggalang ang mga dating Youth coordinator tulad nila Diane Monsada, Jeori Fontanilla, at Eden Benitez - sa inyo na pinaghugutan namin ng lakas ng loob, inspirasyon, at karunungan. Isang malaking paggalang sa ilang taon na paghahanda ng daan para sa mga kabataan ng susunod na henerasyon.

Isang pagkakataon din upang bigyan ng pagpupugay ang mga susunod na mga youth coordinator. Sa inyo na handang magtaya ng buhay para sa kinabukasan ng bawat kabataan. Sa inyo na maglilingkod. Sa inyo na isasangtabi ang bawat pangarap para sa ikabubuti ng nakararami.

Sadyang walang katapusan ang pahayag na ito. Patuloy ang paglalakbay...